Talumpati ni Onofre R. Pagsanghan sa Pagtatapos
sa Pamantasang Ateneo de Manila, ika-23 ng Marso, 1991
Pinagpipitaganang Padre Joaquin Bernas, S.J.,
Kagalang-galang na mga Namumuno at Namamahala sa Pamantasang Ateneo de Manila
Mga Kapwa-Guro, Mga Kapwa-Magulang, Mga Kaibigan
Minamahal kong Mangagsisipagtapos,
Ang bilis talaga ng takbo ng relo. Ang bilis talaga ng inog ng mundo.
Paranq kahapon lamang, sa Dulaang Sibol, sa dulang “Paglilitis ni Mang Serapio,” si Cholo Mallillin ang aming patpating Serapio. At ngayo’y naririto, patpatin pa rin, pero magtatapos na sa hapong ito, lalapag na sa mundo.
Parang kahapon lamang, si Happy Tan, hanggang balikat ko lamang, sa klaseng 1-A aking tinuturuan, dulang “Julius Caesar” sinisiran
“The fault, dear Brutus, is not in our stars, but in ourselves, that we are underlings.”
Happy Tan, iyo pa bang natatandaan? At ngayo’y naririto, malinggit pa rin, pero magtatapos na sa hapong ita, lalapag na sa mundo.
Parang kahapon lamang, ako’y gurong baguhang tatanga-tanga, doon sa mga quonset huts sa Padre Faura. Ang pangulo sa klase kong pinakauna ay si Antonio Lopa. Naririto ngayon siya, kasama ang anak niya, ang balediktoryan ninyong si Rhea Lopa.
Paranq kahapon lamanq si Padre Bulatao, S.J., guro ko. Parang kahapon lamang sina Henry Totanes, James Simpas, Bob Guevarra — mga istudyante ko. At ngayon, kaming lahat ay nangaririto, tatlong salin ng mga magkakapwa-guro sa Ateneo.
Parang kahapon lamang, kami ng Misis ko ay nagliligawan. Ngayon naririto, apo na ang inaabangan. Para bagang sandaling tumalikod lang ako; pagharap kong muli sa salamin heto, ubanin na’t kalbo.
Ang bilis talaga ng takbo ng relo. Ang bilis talaga ng inog ng mundo.
At ito ang unang kaisipang imumungkahi kong balik-aralan, bago lumisang tuluyan. Pagdulog sa bukas na gripo ng buhay, matutong itikom ang mga kamay at bugso ng tubig-buhay ay sapuhing tunay. Huwag aksayahin, huwag sayangin. Bawat sandall, namnamin, mahalagahin. Pagka’t panaho’t pagkakataong waldasin, paano pang pababalikin? Sabi nga ng isang batang makata sa klase kong 1-A, sa buhay raw ay “No rewind, no replay.” Kung kaya’t “Live life, while you may.”
Ang ikalawang kaisipang imumungkahi kong balik-tanawan sa inyong paglisan, kay Fr. Dan McNamara ko natutunan. Faculty retreat master namin siya, noong mga limang taon na. “All is gift,” wika niya.
Sa dapit-hapong ito’y sandaling magbalik-gunita, isa-lsahin, himay- mayin ang Kanyang mga pagpapala. Sa pagbabalik-diwa, mamamangha, na lahat nga naman sa buhay ko at sa buhay mo ay biyaya. Pati na yaong mga nangyaring lihis sa ating mga hiniling, sa pagbabalik-tanaw, higit palang magaling. Talaga nga namang tunay, ang Kanyang Kabutiha’y naging kasabay sa bawat araw ng ating buhay. Lalo na marahil, tayong mga Atenista, na dinagsaan Niya ng grasya, paano tayong makapagpapasalamat sa Kanya?
At ito ang ikatlo’t huling kaisipang imumungkahi kong ating pagmunimunihan. Gamitin nating timbulan isang maikling sulating aking natagpuan minsan sa aming faculty bulletin board sa mataas na paaralan.
“On a street, I saw a small girl cold and shivering in a tattered dress with little hope of a decent meal. I became angry and said to God, ‘Why did You permit this? Why do horrible things happen to innocent people? Why don’t You do something about it?
For a while God said nothing. But that night, He replied quite suddenly, ‘I certainly did something about it. I made you.”
Sa dapit-hapon ding ito, maaring sa ating pagtahimik, may mga tanong ding naqhihimagsik. “Bakit, Panginoon, pinayagang buhay ni Lenny Villa ay malapastangan, sa ngalan pa naman ng pagkakapatiran? Bakit, Panginoon, sa Mabini, naglipanan mga street children na napipilitang magbenta ng katawan para lang makapaghapunan? Bakit binayaang gamitin ng bulldozer ang mga tahanan ng mga iskwater nang walang mapaglilipatan? Bakit pinababayaang sa pamahalaan, maghari-harian ang suhulan, lagayan, kurakutan? Bakit wala Kang ginagawa? Bakit nagwawalang-bahala? Bakit ‘di Ka magsalita?”
Sa dapit-hapong ding ito, sandaling tumahimik at pakinggan ang Diyos sa Kanyang marahang pag-imik, “Hindi Ako nagwawalang-bahala. Ako’y may ginawa. Ika’y Aking nilikha. Sa aking Ateneo, ika’y inaruga, talino mo’y hinasa, pinanday ang iyong dila, pananaw mo’y pinagala, diwa mo’y pinalaya, pinuno kita ng biyaya. Hinding-hindi Ako nagwalang-bahala. Ika’y Aking nilikha. Sa mga kakayahan mo, Ako’y nagpunla ng sanlibong himala. Anq mga ibinigay Ko sa iyong mga biyaya, ibinigay Ko para iyong ibigay sa iyong kapwa. Kinakatulong kita sa patuluyan Kong paglikha.”
Noong ika’y musmos pa, tinanganan ng iyong ina ang iyong kamay at winika niya, “Close, open. Close, open.”
Sa paglipad natin sa ating kabataan, close tayo nang close kadalasan. Sunggab nang sunggab sa pakikinabangan. May dahilan. Hungkag na sarili’y dapat munang sidlan. Ngunit sa ating paglapag sa kalakhan ng buhay, dapat ay open na ng open, bigay na ng bigay, hanggang sa unti-unti nating pagdulog sa hukay, unti-unti rin nating naibubukas ang ating mga bisig at kamay, at unti-unti tayong natutulad kay Hesus na sa Krus nakabayubay, bigay-todo, pati buhay.
Sa inyong pagtatapos, samakatuwid, tatlong pabaon ang aking alay. Tatlong paalalang sana’y isabuhay: Una, mahalagahin ang buhay. Ikalawa, magpasalamat nang tunay. lkatlo, mag-alay-buhay.
Kay bilis talaga ng takbo ng relo. Panahon nang magwakas ako sa tagoskaluluwang pasasalamat sa mga Heswita at sa Ateneo. Halos buong buhay ko ay Ateneo — mula pa noong 1941 nang ako’y nagbabagong-tao. Pasasalamat ko’y hindi lamang sa parangal ninyong ito, kundi, lalung-Ialo na sa pagkakahubog ninyo sa aking pagka-AKO, at sa pakikiputol ko sa pangarap Ignaciano na nakapukol sa kapwa at kay Kristo.
Pahimakas ko’y ang katitikan ng awit na ito:
Sa lilim ng 'sang langit, 'sang himig ang inawit.
Tumingala, nagtiwala sa iisang tala.
Salamat, kaibigan, sa talang pinagsaluhan,
At sa oras na ginintuan ng ngiti mo, kaibigan.